Saturday 5 May 2012

Walang bukas sa Slingers

Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena, Pasig)
6 p.m. Philippine Patriots vs Singapore Slingers

Itataya ng JobStreet.com Singapore Slingers ang kanilang buhay sa Asean Basketball League kontra AirAsia Philippine Patriots ngayon alas-6:00 ng gabi sa Ynares Sports Arena, Pasig City.

Huling nagbulsa ng panalo ang Slingers katapat ang Saigon Heat, 73-67 nitong linggo sa pangunguna ni Louis Graham na tumapos ng 29 points at may 15 rebounds.


Tumulong din si Kyle Jeffers ng kanyang 20 points at 14 rebounds para sa ika-walong panalo ng Slingers sa likod ng Indonesia Warriors at Dragons.

Samantalang bawing-bawi naman ang Patriots matapos makatikim ng pagkatalo sa kamay ng Westports Malaysia Dragons sa overtime, 93-97.

Aminado si Michael Johnson, general manager ng Slingers, na kailangan nilang maipanalo ang kanilang huling tatlong laro kabilang na ang pagbangga sa Patriots kung gusto pa ng Singapore manatili sa liga.

“We will probably need to win our remaining 3 regular season games to make the ABL playoffs which will be a tough task but we are playing well enough of late to believe we have a real chance,” pahayag ni Johnson.

Taglay ng Patriots ang 2-0 agwat katapat  ang Slingers sa pamumuno ni Anthony Johnson na may average 24.5 points sa dalawang laro.

Kumpyansa si Patriots coach Glenn Capacio na makababalik pa rin sila sa laro, “We need to bounce back and finish the season strong to carry a momentum going into the playoffs.” (John Alfrick C. Cruz)


Tampo sa kampo ng De Ocampo


Anuman ang kinalabasan ng Game 6 sa 2012 PBA Commissioner’s Cup Finals kahapon, garantisadong may nabuong alitan sa pagitan ng magkapatid na De Ocampo.

Saksi ang humigit kumulang 15, 000 manonood ang hindi pagbabatian nina Yancy De Ocampo ng B-Meg Llamados at Ranidel De Ocampo ng Talk ‘N Text Tropang Texters noong Game Five.

Sinubukang kamayan ng mas matanda at mas malaking Yancy si Ranidel pagkatapos ng laro habang papalabas ang mga players sa hard court. Hindi ito pinansin ng nakababatang De Ocampo at agad na dumiretso sa kanilang dug-out kasama ang Texters.

Hindi pa siguro tanggap ni Ranidel ang kanilang kabiguan sa Llamados partikular na rin ang kanyang indibidwal na larong ipinakita katapat ang kanyang kuya Yancy.

Nakahakot lamang ng walong puntos at pitong rebounds si Yancy De Ocampo na maagang namahinga sa bench matapos matawagan ng kanyang ika-anim na foul sa pagtatapos ng third period sa kanilang paggapi sa Texters, 82-66.

Samantalang, nakapagtala ng napakababang tatlong puntos si Ranidel De Ocampo sa 15 minutong paglalaro para sa Texters na nahulog sa 2-3 ng best-of-seven finals series.

Ang 31-anyos na si Yancy ay isang first-overall pick sa 2002 PBA draft ng FedEx kasunod si Rafi Reavis na kakampi niya ngayon sa B-Meg habang si Ranidel naman ay pang-apat sa 2004 draft sa likod nila Rich Alvarez, James Yap at Marc Pingris. (John Alfrick C. Cruz)

Lady Bulldogs nagwala


Pinutol ang dalawang sunod na kabiguan, nginata ng National University Lady Bulldogs ang Southwestern University Lady Cobras, 20-25, 25-21, 25-17, 25-17, para lumapit sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League 9th Season First Conference sa San Juan Arena.

Sumandal ang San Marcelino-based volleybelles kay Din-din Santiago na nagpapaputok ng 31 hits kabilang ang 25 kills para ibigay sa Lady Cobras ang pangalawang talo sa ligang inorganisa ng Shakey’s Pizza kasama ang Smart.

Nadiskaril ang Lady Bulldogs sa unang set hanggang makuha nila ang tempo ng game at bugbugin ang SWU sa kasunod na sets bunsod sa makatindig balahibong spikes nila Danika Gendrauli at Anne Pido.

Tumulong si Gendrauli at Pido ng kanilang 13 at 10 points para sa Lady Bulldogs na naglista ng kabuuang 50 kills at 33 spikes.

“They were a bit overconfident, but settled down after dropping the opening set,” pahayag ni NU coach Francis Vicente, “I told them to be ready for a big SWU comeback since it also dropped its first game.”

Sa sumunod na laro, pinagpahinga na ng University of St. La Salle ang Letran Lady Knights sa limang dikdikang sets, 25-17, 25-19, 23-25, 14-25, 15-10, buhat sa dalawang crucial spikes ni Jovelyn Gonzaga sa fifth set.

Naitabla na ng St. La Salle ang kanilang baraha sa 1-1 habang nahulog sa 0-3 ang Letran. (John Alfrick C. Cruz)



Agawan kay Kramer


Bago pa man dumating ang Governor’s Cup tiyak na hindi na maglalaro si Doug Kramer para sa Powerade Tigers.

Kinumpirma kahapon ng isang Powerade official na hindi nila pinaunlakan ang kagustuhang magkaroon  ni Kramer ng tatlong taong extension sa kanyang kontrata dahil may policy ang Coca-Cola management na isang taong kontrata lamang ang maaaring ibigay sa bawat manlalaro ng team.  

Si Kramer, dating slotman ng Ateneo at kabilang sa Cinderella run ng Powerade Tigers sa nakalipas na Philippine Cup, ay may posibilidad na mapunta alinman sa Meralco Bolts o Barako Bull Energy.

Nauna ng naghain ng proposal ang Energy na agad namang ibinasura ng PBA dahil hindi patas ang palitang Kramer, pumangalawa kay Arwind Santos ng Petron sa rebounding at una sa PBA na may pinakamaraming double-double ng nakaraang conference, at Jondan Salvador ng Barako Bull.
Dahil dito, nabuhayan ng loob si Virgil Villavicencio, team manager ng Meralco, na makuha ang serbisyo ni Kramer. “Nothing concrete at this stage. As far as players involved, wala pa rin namang mga pangalan,” sabi ni Villavicencio.

Ayon naman kay Powerade coach Bo Perasol, “They’re (Barako) working to improve on the trade.”
“But I don’t want to get another player. What I want to get is a future pick, possibly a first rounder. As far as Meralco is concerned, nag-uusap kami, pero mukhang they cannot offer us something na maganda.” (John Alfrick C. Cruz)


7-0 sa NLEX


Patuloy ang mainit na ratsada ng NLEX Road Warriors matapos sagasaan ang nanghihinang Cagayan Rising Suns, 84-53 nitong Huwebes sa PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena, Pasig City.

Dinomina ng nagdedepensang Road Warriors ang buong first half ng laro nang pigilan sa 2-of-22 shooting ang Rising Suns para itala ang kanilang ikapitong sunod na tagumpay sa liga.

Bagama’t nasipa si NLEX coach Boyet Fernandez buhat sa dalawang technical fouls, napanatili ng Road Warriors ang matinding depensa sa huling limang minuto ng fourth period.

Pinagtulungan nina Cliff Hodge, Eman Monfort, at Chris Ellis ang arangkada ng Road Warriors na gumawa ng tig-16, 15 at 11 points para ibigay sa Cagayan ang ikapitong sunod nitong talo. 

Nanguna para sa Rising suns si Junar Arce na naglista ng kanyang 17 points at 13 rebounds.

Sa unang laro, pinatumba ng Café France ang karibal na Jr. Powerade Tigers, 81-66, sa pangunguna ni Marion Magat na kumubra ng 20 points at 14 rebounds katulong si Josan Nimes na humakot ng 17 points mula sa bench. (John Alfrick C. Cruz)

Iskor:

NLEX 84 – Hodge 16, Monfort 15, Ellis 11, Arao 10, Dehesa 7, Suguitan 5, Hermida 4, Lanete 4, Co 4, Long 3, Marcelo 3, Pascual 2.

Cagayan Rising Suns 53 – Arce 17, Agas 14, Melano 10, Aggarao 3, Lapuz 3, Bulangis 3, Lascano 1, Dela Cruz 1, Custodio 1, Chiu 0, Macuha 0, Calabung 0, Tagarda 0.

Quarter scoring: 20-6; 51-19; 69-30; 84-53

1st leg ng MMF, lalarga na


Aarangkada na ngayong alas-8:00 ng umaga sa Club Manila East, Taytay, Rizal, ang una sa 10-leg series ng MX Messiah Fairgrounds’ (MMF) Amateur Motorcross Championship.

Bubuksan ang six category extreme sports event na kinabibilangan ng Amateur Open Production, Local Enduro class A at B, Underbone class A at B, Kids 65 at kids 50 sa pangunguna ng Xtreme Adrenaline Sports Entertainment.

Muling inaasahang magpapakita ng bilis ang tune-up winners na sina Bryant Villaroman ng Underbone A, at Neil Lim ng Local Enduro Open A.

Gayundin si Randy Dayao na nagtapos ng first place sa Underbone B at Local Enduro B kasama ang open production titlist na si Bomvet Santos, pumangalawa sa Underbone A at Local Enduro Open A.

“We’re strictly applying the rules and regulations of the race,” pahayag ng MMF. “We sets the amateur production class to riders who have not yet joined races higher than the novice class as the executive category is for interested motorcross athletes with 40 years of age and above.”

Dinagdag pa nila na agad nilang patatalsikin sa karera ang mga hindi susunod sa kanilang patakaran. (John Alfrick C. Cruz)


.

Friday 4 May 2012

So sa Vietnam


Pangungunahan ni GM Wesley So ang kampanya ng eight-man Philippine team sa Asian Continental Individual Chess Championship na aarangkada ngayon sa Vietnam.

Bitbit ang kumpyansang nabuo sa katatapos lang na Luneta Open, isa si So sa mga inaabangang manlalaro na makikipagsagupaan ng galing sa labing-isang araw na kumpetisyon.

Taglay ang 2653 rating, umaasa si So na ang tagumpay niya ang magdadala sa Pilipinas sa World Chess Cup.

Ayon pa sa kanya, hangarin niyang basagin ang 2700 Elo barrier at kung susuwertehin ay umabot pa sa 2800.

 “I’m sure he would have a chance to break into the world 2700 barrier,” pahayag ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) president/chairman Butch Pichay. (John Alfrick C. Cruz)