Tuesday 24 April 2012

5-0 sinagasaan ng Road Warriors

Hindi nagpapigil ang tropa ni coach Boyet Fernandez sa pagratsada nang sagasaan ng NLEX Road Warriors ang karibal na Cebuana Lhuillier Gems, 76-63, para itala ang ika-limang na sunod na panalo sa pagpapatuloy ng  PBA D-league Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Binuhat ni Cliff Hodge ang NLEX, na inangkin ang solo place sa standings, sa kanyang impresibong double-double performance, 20 points, 13 rebounds, at tatlong blocks sa 32 minutong paglalaro. 

Maagang umarangkada ang Road Warriors nang maghulog ng 8-0 bomba sa Gems, may 6:50 natitira sa first quarter at nagdala sa NLEX ng walong puntos na kalamangan pagpasok ng second period, 27-19.

Isa pang malaking 13-0 bomba ang pinasabog ng NLEX sa second quarter at itala ang pinakamalaking abante sa 48-21, may 1:36 nalalabi, kabilang ang tatlong three-point shots mula kay Hodge, Kirk Long, at Garvo Lanete.

Patuloy na binangga ng NLEX ang Cebuana sa pagtatapos ng first half gamit ang mahigpit na depensa na nagbaon sa Gems, 50-29, at nagdulot ng sakit ng ulo para kay coach Beaujing Acot, pansamantalang pumalit kay headcoach Luigi Trillo na ngayon ay hahawakan na ang Alaska Aces sa PBA.

Bagama’t may pagtatangkang nabuhay sa Gems sa simula ng third period dahil sa magkasunod na tres buhat kay Lester Alvarez at Adrian Celada, hindi na nagmaniobra ang NLEX at diretsong pinaspapasan ang Cebuana sa 65-50 pagtatapos ng yugto.

“It’s a big win for us. (Cebuana) They are a tough team and still a contender in the next round,” wika ni coach Fernandez.

Bumuhos ang forward na si Vic Manuel ng 21 points, at 11 rebounds para sa Cebuana habang may tig-11 puntos naman sina Alvarez at Pari Llagas. 

Samantala sa unang laro, nagwagi ang RNW Pacific Pipes kontra Café France, 89-75. Tinanghal na best player of the game si Raymond Aguilar na gumawa ng 20 points (8-of-10 field goal), at humakot ng pitong rebounds para sa RNW. (John Alfrick C. Cruz)

No comments:

Post a Comment