Saturday 28 April 2012

USTE nilapa ang Letran

Laro Bukas
(San Juan Arena)
2:00 p.m. NU vs Ateneo
4:00 p.m. UST vs Adamson

Makalipas ang dalawang taong paghihintay, mabangis ang naging pagbabalik ng University of Santo Tomas Growling Tigresses sa Shakey’s V-League matapos pataobin ang Letran’s Lady Knights, 25-10, 25-22, 25-13, noong Huwebes sa San Juan Arena.

Maagang nagpakita ng tikas ang dalawang guest players ng UST na sina Kaensing Utaiwan ng Thailand at dating MVP Mary Jean Balse na naghahangad ng ikapitong kampeonato para sa Tigresses sa ligang inorganisa ng Shakey’s Pizza kasama ang Sports Vision, Inc.

Naglista si Kaensing ng 17 points, kabilang ang apat na service aces at dalawang blocks habang kumana na naman si Balse ng siyam na puntos para sa UST.

Sa unang laro, ipinoste ng nagdedepensang NCAA champion Perpetual Help Altas ang kanilang unang panalo nang pahirapan ang National University sa dikit na limang sets, 25-15, 23-25, 25-17, 25-27, 15-12.

Sinelyuhan ng 19-year-old Thai import na si Kunbang Pormnipol ang tagumpay para sa Altas nang magpakawala ng isang matulis na spike sa harap ni Rizza Madapat.

Pinangunahan ni dating NCAA MVP Sandara delos Santos ang ratsada ng Altas na gumawa ng 26 points, at tatlong blocks habang nagtala naman ng 18 points si Kunbang. 

 “She’s still trying to jell with the team,”pahayag ni Perpetual Help coach Mike Rafael. (John Alfrick C. Cruz)

No comments:

Post a Comment