Tuesday 24 April 2012

Gary David una sa BPC

Patuloy na dumadagundong ang pangalang Gary David sa karera ng Best Player of the Conference Award ngayon sa pagsisimula ng Game One PBA Commissioner’s Cup finals.

Hindi natitinag si David sa unang pwesto na may 34.5 statistical points kahit napatalsik na ang kanyang koponang Powerade Tigers matapos ang siyam na laro sa first round.

Si David ay may pag-asang makamit ang kanyang magkasunod na BPC award ngayong conference. Kapag nagkataon pangalawa si David kay Eric Menk ng Barangay Ginebra Kings na nagwagi ng parehong parangal sa Philippine Cup at Fiesta Conference ng 2004-2005 season.

“Sa totoo lang, hindi ko naman inaasam na manalo ng BPC sa magkasunod na conference. Ginagawa ko lang kung ano iyong sabihin sakin ni coach Bo, at salamat naging epektibo naman ako sa court. Ang gusto ko talaga ay mabigyan ko ng championship ang Powerade pero nabigo kami,” pahayag ni David.

Bago si David, muntik ng manalo si Arwind Santos ng Petron Blaze Boosters ng gayunding parangal sa huling conference pero naagaw ito ng pang-limang si David dahil nabigo ang Petron kontra sa nagdedepensang Talk n’ Text Tropang Texters sa semis.

Kasunod ni David sa karera si Mark Caguioa ng Ginebra na kumubra ng 31.5 SPs, na malaki ang tsansang manalo ng parangal kung sakali naka-abante ang kanyang koponan sa finals.

Hindi naman malayo ang agwat ni Caguioa kay Marcio Lassiter ng Powerade na pumangatlo, tangan ang 30.3 average, kasunod sina Cyrus Baguio (29.1) at LA Tenorio (29.0) ng Alaska, at kinumpleto ni Arwind Santos ng Petron (28.9).

Samantala, hinahawakan naman ni B-Meg import Denzel Bowles ang unang pwesto sa Best Import award na may 25.1 points, 11.9 rebounds, at 3.2 assists averages sa 45.24 statistical points.

Kasalukuyang tumatakbo na ang botohan para sa mga parangal at ang mga ito ay siguradong igagawad bago magsimula ang Game Four ng best-of-seven finals series. (John Alfrick C. Cruz)

No comments:

Post a Comment