Wednesday 18 April 2012

Shakey's V-League, aarangkada

Ilang tulog na lang at muli na namang masasaksihan ng libu-libong volleyball fanatics ang 2012 Shakey’s V-League. 

Sa darating na Abril 24, magsisimula na ang unang conference sa ika-siyam na season ng ligang pang-volleyball na inorganisa ng Shakey’s Pizza kasama ang Sports Vision Management Group, Incorporated.
Tampok ang mga koponan mula sa UAAP at NCAA, gaya ng nagdedepensang kampeon na Ateneo de Manila University, Far Eastern University, National University, University of Perpetual Help, 2011 finalist Adamson University, Letran College, dating ring kampeon na San Sebastian College, at ang nagbabalik na University of Santo Tomas na may hawak ng pinakamaraming kampeonato sa torneo. 
Kabilang din sa kompetisyon ang Southwestern University at University of St. La Salle na parehong mula sa Visayas.
Ang sampung koponan ay hinati sa dalawang dibisyon at maglalaro ng single round robin. Walo ang aabante sa quarter-finals, depende sa natamo nilang record sa standings matapos ang isa pang single round. Tutuloy naman sa semis ang apat na pinakamagagaling at ang dalawang magwawagi ay didiretso sa championship na maghaharap sa best-of-three series.
Bawat koponan ay binubuo ng 14 lokal players at pinapayagang kumuha ng hanggang dalawang guest players. 
Ang isa ay maaaring foreign player habang isang dugong Filipina naman ang isa.
Sa ganap na alas-2:00 ng hapon, maghaharap sa opening game ang Letran at San Sebastian, at 
susundan naman ng sagupaang Ateneo kontra FEU sa San Juan Arena. (John Alfrick C. Cruz)

No comments:

Post a Comment