Friday 20 April 2012

PBA BPC abot-kamay ni Caguioa

Bagama’t iniinda pa rin ni Mark Caguioa ng Barangay Ginebra Kings ang natamong injury noong Marso 30 sa kanilang play-off kontra B-Meg Llamados, garantisadong may posibilidad pa rin na makuha niya ang PBA Best Player of the Conference award.

Bago pa man magsimula ang Commissioner’s Cup semifinals, pumangalawa na si Caguioa kay Gary David ng Powerade sa statistical race.

Hawak ni David ang unang pwesto na may 34.5 average kada laro samantalang may 31.5 lamang si Caguioa.

Hindi naman malayo ang agwat ni Caguioa kay Marcio Lassiter ng Powerade na pumangatlo, tangan ang 30.3 average, kasunod sina Cyrus Baguio (29.1) at LA Tenorio (29.0) ng Alaska, at kinumpleto ni Arwind Santos ng Petron (28.9).

Malaki ang tsansang mapasakamay ni Caguioa ang parangal dahil maliban sa iba, ang kanyang koponan na lamang ang natitirang naglalaro sa semis.

Iyon ay maisasakatuparan kung siya ay makababalik sa laro at matutulungang makapuwesto ang Gin Kings sa Finals.

Matatandaan na hindi nakapaglaro si Caguioa noong game one nang pataobin ang Ginebra ng B-Meg, 67-82, sa Ynares Center Antipolo.

Samantala, nahulog naman sa listahan si Macmac Cardona ng Meralco Bolts, mula sa ikalawa patungo sa ika-siyam na posisyon, habang may pag-asa namang makabunot ng puwesto sa top five sina Jimmy Alapag, Ranidel De Ocampo, Jarred Dillinger, Jason Castro ng Talk n’ Text at Willie Miller ng Barako Bull. (John Alfrick C. Cruz)



No comments:

Post a Comment