Monday 23 April 2012

Texters, Llamados hindi kasali

Hindi pinalad ang alinman sa mga players ng Talk n’ Text Tropang Texters at B-Meg Llamados na makasali sa karera para sa PBA Best Player of the Conference award.

Bihirang mangyari ang ganitong eksena sa PBA lalo pa’t ang dalawang ito ang garantisadong maglalaban sa  Commissioner’s Cup Finals Game One ngayon sa Smart-Araneta Coliseum ika-6:45 ng gabi.

Aminado si coach Chot Reyes ng nagdedepensang Texters na ikinatuwa niya ang resulta at ipinagmalaki ang katotohanang balanse ang stats ng kanyang mga bata at ng B-Meg.

“I think what it speaks volumes of is the balance of the two teams in the finals,” sabi ni Reyes.
Sinang-ayonan naman ito ni B-Meg coach Tim Cone , “It’s a credit to the teamwork and sharing of both teams that neither has a standout candidate.”

Walong players sa pinagsamang Texters at Llamados ang nakalista sa top 25. Pinakamalapit si Ranidel De Ocampo ng Talk n’ Text na pang-siyam habang panglabing-tatlo naman si James Yap ng B-Meg.

Matatag pa ring pinangungunahan ni Gary David ng Powerade Tigers ang top five candidates para sa BPC na sinusundan naman ni Mark Caguioa ng Barangay Ginebra Kings, ang bagong star ng Petron na si Marcio Lassiter, at kinumpleto nila Cyrus Baguio at LA Tenorio ng Alaska Aces.

Sina David, Caguioa, Lassiter, Baguio at Tenorio ay may statistical points average na 34.5, 31.0, 30.3, 29.1, at 29.0, ayon sa pagkasunod-sunod.

Samantala, hinahawakan naman ni B-Meg import Denzel Bowles ang unang pwesto sa Best Import award na may 25.1 points, 11.9 rebounds, at 3.2 assists averages sa 45.24 statistical points.

Kasalukuyang tumatakbo na ang botohan para sa mga parangal at ang mga ito ay siguradong igagawad bago magsimula ang Game Four ng best-of-seven finals series. (John Alfrick C. Cruz)




No comments:

Post a Comment