Saturday 14 April 2012

Ateneo dinagit ang Letran

Pinatunayan ng Ateneo Blue Eagles na sila ang defending champions matapos  patumbahin ang Letran Knights, 55-51,  sa pagbubukas ng 2012 Fil-Oil Flying V Pre-Season Hanes Cup kahapon sa San Juan Arena.


Hindi nakaporma ang Knights sa higanteng 7 footer ng Eagles na si Greg Slaughter nang supalpalin nito ang tira ni Jonathan Pelorio na sana’y maglalapit sa tatlong kalamangan ng Eagles, 54-51, may 24 segundo ang nalalabi. 

Nagtala si Slaughter ng 14 points, kabilang na ang dalawang dunks sa gitna ng 3rd quarter, 15 rebounds at tatlong blocks.

Umabante ang Ateneo ng kanilang pinakamalaking kalamangan sa laro, 29-17, may apat na minuto pang natitira sa first half, nang biglang magtangka ng pagbabalik ang Letran at nakapuntos ng anim na sunod kontra sa dalawa lamang ng Ateneo, Natapos ang ikalawang yugto sa iskor na, 31-23.

Hindi na nakalayo ang Eagles dahil sa panggulat na bulusok ng Letran sa pagpapatuloy ng 3rd quarter, nang magbitaw ng sunod-sunod na puntos ang mga bata ni coach Louie Alas, kabilang ang isang fastbreak lay-up at isang three point play opportunity parehong mula kay Kevin Racal. Lumapit ang Knights, 45-42, higit isang minuto nalang ang natitira.

Tumulong si Kiefer Ravena na may 10 points, habang si Juami Tiongson ay nag-ambag ng pitong puntos.

Samantala, hindi naging sapat ang puntos nila  Racal, Jam Cortes at Carlo Lituania ng Letran para maipanalo ang kanilang laro, lalo pa’t hindi nakapaglaro sa loob ng hardcourt si Kevin Alas dahil nagtamo ito ng right midpoint sprain tatlong linggo na ang nakararaan. Wala din sa naturang laro sina starter Raymond Almazan at PJ Espiritu.

Sa panig naman ng Ateneo, wala sina Kirk Long, Eman Monfort, at Bacon Austria dahil tapos na ang kanilang playing years. 

Magkasama sa group A ang Ateneo, na kasalukuyang reigning 4-peat UAAP champions at ang Letran, gayundin ang La Salle, San Beda, Mapua, University of Perpetual Help, University of the East, University of the Philippines, at University of Santo Tomas. 

Nagtipon naman sa Group B ang National University, Jose Rizal University, Adamson University, Far Eastern University, Emilio Aguinaldo College, Lyceum of the Philippines, College of St. Benilde, at dati ring kampeon ng torneo na San Sebastian College. (John Alfrick C. Cruz)

No comments:

Post a Comment