Wednesday 18 April 2012

Texters, Barako magtutuos sa do-or-die

Sariwang-sariwa pa rin sa mata ng mga bata ni coach Junel Baculi kung paano sila pinaglaruan ng higit na mas bagitong tropa ni headcoach Chot Reyes.


Matapos makalasap ng nakapanlulumong pagdapa ng Barako Bull Energy sa kamay ng defending champions Talk n’ Text Tropang Texters, isang rubber match na lang magdedesisyon kung alin sa dalawang palabang koponan ang mas matibay na uusad sa PBA Commissioner’s Cup finals.

Magtatagpo ang Texters at Energy sa ganap na ika-6:45 ng gabi ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.

Ito na marahil ang pinakamahalagang laro sa ngayon para sa dalawang koponan na may magkaibang layunin. Ang Texters, na sanay na sanay na sa kampeonato ay hangad ang isang back-to-back championship na kung magtutuloy-tuloy pa sa mga susunod na conferences ay tangka ang pinakaaasam na grandslam. Samantalang ang Energy na dating Air21 Express, kinabibilangan ng mga beteranong superstars na karamihan ay nagkamit na ng kampeonato sa ibang koponan ay tangka ang isang championship na kung saka-sakali, ito ang kauna-unahan para kay Barako coach Baculi sa pro league.

Gamit ang fully charged na shooting touch ng mga Talk n’ Text locals na sina Ranidel De Ocampo, Jared Dillinger, Jason Castro, Kelly Williams, at import Donell Harvey, naitabla ng fully loaded na Texters ang semifinal series sa 2-2 noong lunes sa 108-90 na pagwasak sa nanghihinang Energy sa parehong game venue. 

Naglista ng gamehigh 23 points si De Ocampo na may 2-of-2 tikada mula sa three-point line at kumonekta naman ng 5-of-7 sa two-point zone, bukod pa dito ang malinis na 7-of-7 sa foulstripe.
May tig-12 points naman sina Dillinger, Harvey, at Castro. Nag-ambag din ng 11 puntos si Williams para sa Texters.

“Hopefully, we come out with even more energy and focus in the next game. The same amount of energy won’t make the job done. We have to play better,” ayon kay coach Reyes pagkatapos ng kanilang panalo.

“All we did was tied the series. We can’t celebrate, not for one minute. We can’t be
satisfied. We’re just halfway there,” dagdag niya.

Bagama’t nagtala si Danny Seigle, isa sa miyembro ng tinaguriang “Manong Brigade,” ng 20 points para sa Energy. Nalimitahan naman si Barako import Gabe Freeman sa anim na puntos, ito ang kanyang pinakamababa hindi lamang para sa conference kundi pati na rin sa buong career niya sa PBA simula pa noong 2009. (John Alfrick C. Cruz)

No comments:

Post a Comment