Monday 30 April 2012

Beermen nalo sa Cobras


Muling nagpakita ng lakas ang San Miguel Beermen nang pataobin ang dehadong Bangkok Cobras, 91-77, sa pagpapatuloy ng Asean Basketball League elimination round nitong Sabado sa Ynares Sports Arena, Pasig City.

Bumida ang dating PBA import na si Nick Fazekas na naglista ng game-high 25 points kasunod si Chris Banchero na may 22 points at si Leo Avenido ay nag-ambag ng 13 points para sa ika-16th panalo ng Beermen.

Mainit na binuksan ng Cobras ang sagupaan ng magpakawala ng tatlong three point shots si Jai Reyes sa unang quarter at lamangan ng apat ang Beermen, 22-18, hanggang sa rumatsada ang bataan ni San Miguel coach Bobby Parks sa pangunguna ni Fazekas sa pagtatapos ng first half, 44-38. 

Huling nakatikim ng abante ang Cobras buhat sa three point shot ni Ratdech Kruatiwa sa kalagitnaan ng sa third period at hindi rin nagtagal dahil biglang umalagwa ang Beermen bunsod sa magkakasunod na baskets nila Fazekas, at Banchero.

Nagpatuloy sa pag-arangkada ang Beermen sa huling yugto at tuluyang sinaraduhan ng pag-asa ang Cobras na lumalasap ng kanilang ika-apat na sunod na pagkatalo sa torneo at naselyuhan ng hook shot ni Fazekas, may isang minuto ang natitira.

Kumana si Gentry Lewis, Marvin Cruz, at Jai Reyes ng tig-20, 16, 14, ayon sa pagkakasunod, para sa Cobras na nagtala lamang ng 22 points sa shaded lane kontra sa 42 points ng Beermen.

Susunod na haharapin ng Beermen ang Saigon Heat sa Mayo 9 sa Tan Binh Stadium. (John Alfrick C. Cruz)

Iskor:

Beermen 91 – Fazekas 25, Banchero 22, Avenido 13, Crews 12, Yap 8, Baguion 5, Fajardo 3, Gonzales 3.

Cobras 77 – Lewis 20, Cruz 16, Reyes 14, Kruatiwa 11, George 8, Apiromvilaichai 4, Chaiwat 2, Limsuwan 2.


No comments:

Post a Comment