Saturday 21 April 2012

Llamados handa na sa PBA finals


Kumpyansa ang B-Meg Llamados na kaya nilang agawin ang korona sa nagdedepensang Talk n’ Text Tropang Texters sa Game One ng kanilang Commissioner’s Cup championship showdown na magsisimula  sa Lunes, Abril 23, sa Smart-Araneta Coliseum.
 
Gaya ng mga nauna nilang laban sa Meralco Bolts at sa katatapos lamang na dwelo kontra sa kapatid na Barangay Ginebra Kings, hindi natitinag ang bataan ni headcoach Tim Cone sa muling inaasahang pisikal na serye sa pagitan nila ng Texters.

Aminado si Cone na natuto na sila sa kanilang mga panalo at lalo na sa kanilang mga madugong pagkatalo, tinukoy ang kabiguan ng B-Meg, may twice-to-beat bentahe, sa huling conference na pinahiya ng dalawang beses ng lumalakas na Powerade Tigers. 

“It’s good to be back in the championship. We’re growing as a team and, obviously, we want to
win the championship,” sabi ni Cone, unang pagpapakita sa finals kasama ang kanyang bagong koponan.

Dinagdag (Cone) niya na hindi pa rin sila nakasisiguro sa magiging tagpo ng bakbakan, dahil hindi basta-basta magpapatalo ang tropa ni coach Vincent “Chot” Reyes, na babalik sa kanilang ika-limang sunod na finals appearance at tangka ang back-to-back na kampeonato sa Commissioner’s Cup.

Para sa B-Meg, ito ang kanilang unang pagkakataon sa finals sa loob ng tatlong seasons, at ika-siyam na finals appearance sa kabuuan.

Ayon pa kay Cone, “We talked a lot about the growth we’d got from that Powerade thing. It bitterly disappointed us and we learned how not to take anything for granted,” “It helped us. You hate it when it’s happening to you but it motivated us. It helped us grow,” dagdag pa niya.

Pinataob ng B-Meg ang Gin Kings sa Game Four, 3-1, ng kanilang semis pagkatapos pagpahingahin ang Meralco sa quarters para umabante sa finals.

Sinandalan ng B-Meg ang kanilang 6’10 import na si Denzel Bowles sa parehong serye at patuloy na inaasahan sa kanilang digmaan kontra Texters. (John Alfrick C. Cruz)



No comments:

Post a Comment