Sunday 22 April 2012

SMB assintahin ang number one

Taglay ang nabuong kumpyansa sa kanilang three-game sweep sa karibal na AirAsia Philippine Patriots, tatangkain ng San Miguel Beermen na manguna sa team standings ng Asean Basketball League (ABL) sa kanilang paghaharap ng Chang Thailand Slammers ngayon sa Thai Japanese Association Gym, Thailand.

Hangad ng Beermen angkinin ang unang pwesto sa torneo kasunod ang Patriots at ulitin ang pagwalis, ngayon naman ay sa bakuran ng Slammers na sumadsad sa San Miguel ng dalawang beses simula pa lamang ng season.

Dinala ang Beermen sa 13 wins at apat na talo ng kanilang 93-78 pagwasak noong isang linggo kontra sa Patriots, lumasap ng ika-tatlong pagdapa habang may 13 panalo.

Nagtulong sina Leo Avenido at Duke Crews na may tig-23 points para sa tagumpay ng Beermen, habang isang double-double naman ang inambag ni Nick Fazekas sa kanyang 16 points at 16 rebounds.

Sumuporta rin ng 11 points at anim na assist si Chris Banchero sa kanyang unang laro para sa Beermen.
  
Bagama’t nakuha na ang ikalawang tiket sa playoffs berth, hindi pa rin nakasisiguro ang mga bata ni coach Bobby Parks na madali nilang mapapakain ng alikabok ang Slammers, uhaw na uhaw sa panalo at kung matatalo pang muli ay mapuputol na ang tsansang mapasama sa playoffs.

“We can’t take Thailand lightly, its standings can’t define the ability to win games,” sinabi ni coach Parks ng Beermen. “We are still in the process of jelling as a team,” dagdag niya.

Samantala, huling nabaon ang Slammers sa kamay ng Bangkok Cobras sa masakit na 78-83 talo noong ihuling weekend sa Chulalongkorn University. Gumawa ng 22 points si Christopher Garnett at 19 points naman ang kay Calvin Williams para sa Thailand. (John Alfrick C. Cruz)





No comments:

Post a Comment