Thursday 19 April 2012

Llamados pasok sa finals


Pormal nang kinuha ng B-Meg Llamados ang unang tiket ng 2012 PBA Commissioner’s Cup Finals, matapos pagpahingahin ang kapatid sa San Miguel franchise na Barangay Ginebra Kings, 3-1 sa 108-84 pagwasak sa Game Four ng kanilang semifinals noong Martes sa Smart-Araneta Coliseum.

Maagang umarangkada ang Ginebra sa unang yugto ng laro nang maghulog ito 8-0 granada at ibandera ang kanilang pinakamalaking abante sa 14 na nagpweto sa 31-24 pagtatapos.

Kung gaano kainit ang Ginebra sa first period, mas mainit naman ang naging timpla ng B-Meg sa second quarter nang magpasabog ito ng higanteng 19-0 bomba, 58-44, may 1:13 nalalabi sa pangunguna ng 22-anyos na B-Meg import na si Denzel Bowles.

Sa pagpasok ng third quarter, patuloy na sinamantala ng B-Meg ang malamyang depensa ng Ginebra at dagdagan ang kanilang bentahe sa 21 points, 80-59, may 3:13 natitira buhat sa mga baril nina Joe Devance, James Yap, at PJ Simon na kumana ng 18, 16, at 11 points ayon sa pagkakasunod-sunod.

Hindi na lumingon ang B-Meg sa Ginebra at tuluyang saraduhan ng pinto sa huling yugto kabilang ang dalawang highlight dunks ni Bowles mula sa pasa ni Josh Urbiztondo, may 2:59 pa sa timeclock, 99-80.

Rumatsada si Bowles ng 34 points (20 dito ay ginawa sa first half) sa nagliliyab na 13-of-14 shooting, humakot ng 14 rebounds, at anim na assists. 

“A young kid like that, responding the way he did, grabbing every rebound making every tough play,” sinabi ni Tim Cone pagkatapos ng laro. “I thought that's what really inspired us.”

“I come out to set the tone for the team,” wika ni Bowles, inspirado dahil sa panonood ng ina sa likod ng B-meg bench.

Bagama’t inaasahan ng libu-libong Ginebra fans na sumugod sa venue ang pagpaparamdam ni Ginebra import Jackson Vroman, hindi naman ito umubra kay Bowles na nagtala lamang si Vroman ng 14 points at nakapaglaro ng limitadong minuto dahil sa foul trouble.

Natawagan naman ng technical foul ang walang maitulong na si Ginebra ace Mark Caguioa, naka-civillian sa bench at iniinda pa rin ang injury, nang hindi ito magpatinag sa kakareklamo sa mga referees.

Para kay Cone, ito ang kanyang 24th finals appearance sa PBA coaching career at ang kauna-unahan bilang B-Meg coach, matapos niyang palitan si Ryan Gregorio na ngayon ay headcoach ng Meralco Bolts. Para naman sa B-Meg, ito ang kanilang 22nd finals appearance at siyam dito ay import-laden conferences.

“I don’t watch that series. I’ve got guys watching that series” dagdag ni Cone nang tanungin tungkol sa kanilang makakalaban alinman sa Talk n’ Text at Barako para sa finals na gaganapin sa Abril 23.

Samantala habang ginagawa ang istoryang ito, kasalukuyang pinag-aagawan ng Talk n’ Text Tropang Texters at Barako Bull Energy ang huling tiket sa finals sa Smart-Araneta Coliseum.
Huling nagwagi ang Tropang Texters sa Game Four nang tambakan nila ang Energy, 108-90, at maitabla ang semifinal series sa 2-2. (John Alfrick C. Cruz)

Iskor:
 
B-MEG 108 - Bowles 34, Devance 18, Yap 16, Simon 11, Pingris 7, Barroca 5, Intal 5, Villanueva 5, De Ocampo 4, Reavis 2, Urbiztondo 1, Acuna 0, Gaco 0.
 
GINEBRA 84 - Ababou 17, Vroman 14, Cortez 13, Canaleta 12, Helterbrand 10, Hatfield 8, Raymundo 5, Labagala 3, Mamaril 2, Wilson 0, Villanueva 0.
 
Quarter scoring: 24-31, 58-46, 86-71, 108-84


No comments:

Post a Comment