Thursday 26 April 2012

TNT, B-Meg babasagin ang tabla

Laro Ngayon
(Smart-Araneta Coliseum)
6:45p.m. Talk ‘N Text vs B-Meg (Game 3)

Hindi na mapipigilan ang muling paghaharap ng Talk ‘N Text Tropang Texters at B-Meg Llamados para kalasan ang tabla sa Game Three ng finals sa 2012 PBA Commissioner’s Cup ngayon alas-6:45 ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.

Tangka ng parehong koponan na angkinin ang ikalawang panalo at umabante ng isang larong kalamangan sa napakahalagang ikatlong pagtatagpo sa pagpapatuloy ng kanilang best-of-seven finals series.

Ang maalat na clips sa freethrow line ng Texters, nagmintis ng 20 freethrows at nagtala ng 16-of-36 shooting (44.4%), ang nagbigay ng daan para sa panalo ng B-Meg sa unang paghaharap ang siya ring naging istorya ng pagtatapos ng laro sa Game Two.

Ginapi ng nagdedepensang Texters ang Llamados sa Game Two, 104-102, sa pamumuno ni Jayson Castro na tumabo ng 23 points, tampok ang 10-of-12 freethrow shooting, sa kabila ng iniindang sprained left ankle injury na kanyang natamo sa third quarter ng Game One ng serye.

Ginulat ni Castro, napabalitang hindi maglalaro para sa Texters, ang buong coliseum nang pumasok ito sa 6:47 mark ng first quarter para palitan ang minamalas na si Jimmy Alapag.

Nagpapaputok ang Texters ng isang 14-point lead, 32-18, hanggang makalapit sa 49-48 sa ang Llamados sa pagtatapos ng second quarter, buhat ng magkasunod na three point shots ni Josh Urbiztondo at isang three point play mula kay B-Meg import Denzel Bowles.

Naagaw ng B-Meg ang kalamangan, 59-58 sa 7:00 ng third period bunsod ng tirada ni James Yap sa raibow country at tumipa pa ng isang tres sa huling 36 segundo na nagdala sa Llamados ng dalawang puntos na agwat pagpasok ng fourth, 75-73.

Huling natikman ng mga bataan ni B-Meg tactician Tim Cone ang abante sa 99-97, may 1:05 sa fourth hanggang sa makapukol ng mabigat na three point shot si Castro at nabawi ng Texters ang kalamangan, 35.7 nalalabi. 

Tuluyan ng sinelyuhan ng Texters ang tagumpay ng maisalpak nina Ryan Reyes at Alapag ang kanilang apat na freethrows sa huling 8.2 at 4.0 segundo, ayon sa pagkakasunod, pagkatapos magmintis ni Yap sa tres at magka-turnover ang B-Meg mula sa pasa ni Bowles.

Tumulong kay Castro si Texters import Donnel Harvey ng kanyang 29 points at 14 rebounds habang gumawa naman ng tig-13 at 12 points sina Ryes at Ali Peek, may iniinda ding injury sa daliri.

“Kahit may injury naman kasi, dapat ibigay ang all-out game namin kung gusto mong maipanalo ang laro,” ayon kay Castro.

“Jayson Castro is far from his 100%. He’s really playing with his big heart and beyond his limit. We’re managing his minutes inside the court for him not to go over his limitation,” sinabi ni coach Chot Reyes.

Bagama’t naitabla ng Texters ang serye noong Miyerkules ng gabi, hindi nakuntento si coach Chot Reyes sa ipinakita ng kanyang tropa dahil sa maluwag nitong depensa kina two-time PBA Most Valuable Player James Yap at B-Meg import Denzel Bowles, nangunguna sa karera ng PBA Best Import.

“I told them not to play one on one against Bowles, he’s solid in the paint and he’s very difficult to stop. Even our import (Donnel Harvey) admitted at half time that Bowles is stronger than him. Beyond my unstoppable instructions over our bench, we still failed to defend Bowles as well as James who played their A-game and made their shots clearly all over the court,” pahayag ni Reyes.

“Maswerte lang talaga kami dahil we secured the needed stops to win this vital game,” dagdag ni Reyes pagkatapos ng laro para sa Texters na nasa kanilang 5th straight finals appearance.

Bumuhos si Bowles ng game-high 33 points para sa B-Meg at nagpasiklab naman si Yap sa unang pagkakataon ng kanyang best performance sa conference na gumawa ng 25 points na may 5-of-7 shooting mula sa three point line. (John Alfrick C. Cruz)

Iskor:
Talk N’ Text 104 – Harvey 29, Castro 23, Reyes 13, Peek 12, Williams 8, Dillinger 6, De Ocampo 6, Fonacier 4, Alapag 3, Gamalinda 0, Carey 0.

B-Meg 102 – Bowles 33, Yap 25, Urbiztondo 15, Simon 10, Pingris 9, Barroca 4, Devance 4, De Ocampo 2, Intal 0, Villanueva 0, Reavis 0.

No comments:

Post a Comment