Tuesday 17 April 2012

Ginebra hihirit ng tabla

Matapos mapayukod ng Barangay Ginebra Kings ang B-Meg Llamados at makaisa sa 2012 PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinal series noong nakaraang linggo, tatangkain naman ng Gin Kings na tumabla ngayon sa mahalang game four ng sagupaan ika-6:45 ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.
 
Hangad ng Gin Kings, itinumba ang Llamados sa iskor na 88-79 sa huling laro sa harap ng 10, 674 manonood at napigilan ang sweep, na maipantay sa 2-2 standing ang serye.

Aminado si Ginebra headcoach Siot Tangquincen na hindi magiging madali ang paggupo nila sa isa pang panalo at asam na tabla dahil hindi biro na kalaban ang Llamados.

“Puso na ito eh, kumbaga buhos na lahat dahil ‘yon ang kailangan naming gawin. In game four, I guess we’ll make some adjustments but we’ll still stick to the formulas that made us win the game,” sambit ni coach Tangquincen.

Muling sasandig ang Gin Kings sa mga nagliliyab na kamay nila NiƱo Canaleta, kumubra ng gamehigh 23 points kabilang ang tatlong magkakasunod na tres sa huling yugto ng kanilang tagumpay, at Mike Cortez na nagtala ng pinaka-unang triple-double record sa kanyang basketball career bilang pro, 17 points, 11 rebounds, at 10 assists.

“I think this the first time I got a triple-double performance in my PBA career, and hopefully this is not the last,” sabi ni Cortez.

Tumulong din sina Dylan Ababou na may 13 points, at Jayjay Helterbrand na kumonekta ng 12 points kasama ang drive at isang 3-point play para sa Ginebra may 32.9 segundo na lamang ang natitira sa laro.

Aasahan din ni coach Tangquincen si import Jackson Vroman, hindi naging factor at nag-ambag lamang ng walong puntos para sa panalo ng Ginebra, na magpapamalas ng kanyang double-double performance. 

Taglay ang 2-1 bentahe, hindi naman pinanghihinaan ng loob at tiwala pa rin si B-Meg coach Tim Cone na sila ay makakabangon at matutuldukan ang semis para tumuloy sa finals.

Sasandal naman ang B-Meg kina PJ Simon, James Yap at import Denzel Bowles, nagtala ng 15, 14, 11 points, ayon sa pagkakasunod-sunod. Gayundin si JC Intal na naglista ng teamhigh 18 points para sa Llamados.

Naging malaking disadvantage din ang pagkawala ni Marc Pingris sa pagkatalo ng B-Meg nang napatalsik sa laro matapos makuha ang kanyang ikalawang technical foul sa 10:29 ng second quarter.

Samantala, bagama’t nakauniporme ng kanyang number 47 Ginebra jersey noong nakaraang laban, hindi naman pinahintulutang maglaro si Mark Caguioa  at wala pa ring kasiguraduhan kung mabibigyan na siya ng tsansang tumapak sa loob ng hardcourt mamaya. (John Alfrick C. Cruz)



No comments:

Post a Comment