Sunday 15 April 2012

Barako Bull hindi bibitaw sa finals


Isang panalo na lang ang kailangan ng Barako Bull Energy para makapasok sa 2012 PBA Finals.

Iyan ay kung muli nilang mauungusan ang defending PBA Commissioner’s Cup champions Talk N’ Text Tropang Texters sa kanilang ika-apat na sagupaan mamaya alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Taglay ang 2-1 bentahe kontra Texters, tangka ng Energy na agawin sa mga bataan ni coach Chot Reyes ang tsansang makabalik sa finals gamit ang tinagurian nilang “Manong Brigade.”

Pawang kabilang sa Manong Brigade, muling aasahan ng Barako sina Willie Miller na kumota ng 17 points, Mick Pennisi na may 15 points, at nag-ambag naman si Danny Seigle ng 14 points. 

Sasandalan din ng Energy si import Gabe Freeman na nagpasiklab ng kanyang gamehigh 27 points, humakot ng 14 rebounds, two assist, two blocks, at isang steal.

Kung sakali, ang Barako na dating Air21 ay papasok pa lamang sa finals sa ikalawang pagkakataon sa franchise history. Ang una ay noong 2008 Fiesta Conference kung saan dumapa sila sa Barangay Ginebra Kings, 3-4.

Bagama’t malaki ang pag-asang tumuloy na sila sa finals, hindi pa rin naniniguro si Barako headcoach Junel Baculi na sigurado na ang kanilang tagumpay. 

Si Baculi ay tampok sa maraming kampeonatong nakamit sa Philippine Basketball league (ngayon ay PBA Developmental League), at hangad ang kanyang unang finals appearance dito sa pro-league.

“Sanay na ang Talk N’ Text sa ganitong sitwasyon dahil last year, nagawa nila makabalik from 1-3 laban sa Petron at nanalo ng championship sa Philippine Cup. Kung ibibigay namin ang game four, delikado kami sa game 5,” pahayag ni Baculi.

Pinataob ng Energy ang Tropang Texters noong huli nilang pagtatagpo sa makapigil hiningang iskor na, 85-81 sa Cuneta Astrodome.

Inaasahan din ni Baculi na magawa nilang muli ang malagkit na depensang binigay sa Texters at mapanatili ang mababang score dahil alam niyang dominante ang Talk N’ Text sa opensa. 

Nakapagtala lamang ng 31 points ang Talk N’ Text sa pagtatapos ng 1st half, pinakamababang output nila sa conference.

Hindi naman magpapaiwan ang Tropang Texters dahil nariyan sina Jayson Castro, Jimmy Alapag, Ranidel De Ocampo, Larry Fonacier, at Kelly Williams para maitabla ang serye at makalusot sa game five ng torneo.

Sa ibang bahagi ng semifinals, habang sinusulat ito, kasalukuyang naglalaro ang B-Meg Llamados at ang Gin Kings. Tangan ng B-Meg ang abante, 2-0. Ang magwawagi ay lalabanan ng mananalo sa serye ng Barako Bull at Talk N’ Text sa finals. (John Alfrick C. Cruz)

No comments:

Post a Comment