Thursday 12 April 2012

Walang spark na Ginebra: bulagta sa Llamados

Sinamantala ng B-Meg Llamados ang hindi paglalaro ni Mark Caguioa nang pataobin nito ang number 2 Barangay Ginebra Kings, 82-67, sa game one ng kanilang 2012 PBA Commisioner’s Cup best-of-five semifinal series sa Ynares Center Antipolo.

Walang spark na uminit sa Gin Kings dahil nagtamo ng orbital stress fracture sa kanang pisngi si Mark Caguioa matapos bumagsak sa sahig sa kanilang playoff match noong Marso 30 sa Cuneta Astrodome.

Hindi na inaasahang makalalaro pa si Caguioa sa serye dahil napakanlulumo ang natamo nitong injury.
Samantala, pinangunahan ni import Denzel Bowles ang ratsada ng B-Meg ng magpakawala ito ng 21 points, humakot ng 10 rebounds at dalawang assists, kasama na ang dalawang impresibong dunk na nagpatayo sa mahigit sampung-libong manonood sa second half.

Mabilis na umarangkada ang Gin Kings noong unang yugto nang magpasabog ito ng sunod-sunod na lay-up pati na ang isang pagsalpak ng bola sa ring ni Jackson Vroman, may 9:25 ang nalalabi. Natapos ang 1st quarter sa iskor na 21-8, pabor sa Ginebra.

Agad-agad namang naremedyohan ng B-Meg ang kanilang maasim na laro nang magpasiklab ito ng dalawang 6-0 blast, matapos ang lay-up ni Vroman sa pagsisimula pa lamang ng 2nd quarter, at agawin ang bentahe sa Gin Kings sa iskor na 33-29.

Lalong tumindi ang bakbakan nang matawagan si Marc Pingris ng kanyang flagrant foul nang suwagin niya sa likod si Enrico Villanueva, 8:43 natitira sa 2nd quarter

Hindi na lumingon sa likod ang mga bata ni Tim Cone nang magpaulan ito ng dikit-dikit na three point shots sa kalagitnaan ng third quarter mula kay James Yap, Joe Devance, na parehong may tig siyam na puntos at Josh Urbiztondo na naglista ng anim.

Tumulong din si PJ Simon ng 13 points na bumitaw ng isang three point play habang si Yancy De Ocampo, na nambwisit kay Vroman sa pagsisimula pa lamang ng 4th quarter kung kaya’t natawagan ito ng flagrant foul penalty one, ay nagdagdag ng siyam na puntos para sa B-Meg. 

“The boys really played hard, went with our system, and never relaxed. We’re able to execute our game-plan and more ready to the physicality of the game.” Cone said.

Dalawa lamang sa Gin Kings ang umabot sa double figures, si Vroman at Robert Labagala na parehong may tig sampung puntos.

Bukas naman ay inaasahan ang isa pang matinding laro sa game two ng semifinals sa pagitan ng Barako Energy Boosters at Talk N’ Text Tropang Texters. Hawak ng Energy ang bentahe, 1-0, sa kanilang pagtatagpo sa 6:45 ng gabi sa pareho pa ring venue. (John Alfrick C. Cruz)






No comments:

Post a Comment