Wednesday 25 April 2012

Full-charged Texters, reresbak

Laro ngayon
(Smart-Araneta Coliseum)
6:45p.m. Talk n’ Text Tropang Texters vs B-Meg Llamados (Game 2)

Kumpyansa ang bataan ni Talk n’ Text Tropang Texters coach Chot Reyes na makababalik sila sa Game Two ng kanilang best-of-seven 2012 PBA Commissioner’s Cup finals series kontra sa B-Meg Llamados ngayon alas-6:45 ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.

Tila nakalimutan ng Texters na kargahan ang kanilang baterya habang ganadong-ganado naman ang Llamados sa kanilang huling laro nang patikimin ng B-Meg ang nagdedepensang Talk n’ Text ng 88-82 pagkatalo sa Game One noong Lunes. 

“The boys didn’t execute our game plan. We let B-Meg controlled us, allowing us to play their game,” pahayag ni Reyes pagkatapos ng laro sa harap ng 13, 008 manonood. “In Game Two, we should lead the game, for us to win,” dagdag niya.

Nagbandera ang B-Meg, huling nagkampeon noong 2009-2010 Philippine Cup, ng kanilang pinakamalaking kalamangan sa second quarter sa iskor na 28-14, hanggang magpasabog ng 16-8 bomba ang Texters at itabla sa 56-all sa 5:07 ng ikatlong yugto.

Sandali lang naagaw ng Texters, na nasa kanilang limang sunod na finals appearance, ang abante sa Llamados nang magpakawala ng palobong tres si Ryan Reyes, may 3:59 pa ang nalalabi sa third, bago nakaabuwelta ang Llamados sa pagkamada ng 80-72 agwat sa 4:20 ng fourth.

Inangkin ang 1-0 na bentahe, pinangunahan ni PJ Simon ang opensa ng Llamados na kumana ng 18 points, at humila ng apat na rebounds, walong puntos ay ginawa nang ipasok ito sa huling yugto katapat si Texters Jimmy Alapag, na bumitaw ng tatlong three-point shots.

Ilang ulit na binalasa ni coach Reyes ang kanyang tropa para bantayan ang nag-iinit na si Simon na nagpatuloy sa pagratsada sa kalagitnaan ng parehong quarter. Napilitan lamang si B-Meg coach Tim Cone na ilabas si Simon nang matawagan ito ng kanyang ikalimang foul.

Hindi na muling lumingon pabalik ang B-Meg at isinelyo na ang panalo buhat sa dalawang napasok na freethrows ni dating MVP James Yap at Marc Pingris.

Nagtala naman ng impresibong double-double performance si B-Meg import Denzel Bowles na may 25 points, 11 rebounds, tatlong assists at isang block, kabilang ang isang fastbreak dunk sa huling quarter.

May tsansang agawin ng Texters ang tagumpay kung naipasok lamang nila ang 20 freethrows sa laro, 16-of-36 (44.4%).

“I thought we showed our depth tonight. We were able to play with a deep line-up, ayon naman kay Cone na nasa kanyang 24th finals appearance at hangad ang 14th PBA championship. “We battled through that bad time in the third quarter.”

Nagtulong naman sa arangkada ng Texters ang import  na si Donnel Harvey na may 25 points, 13 rebounds, apat steals at tatlong assists at two-time PBA finals co-MVP Alapag na may 12 points, at tig-anim na rebounds at assists. (John Alfrick C. Cruz)


No comments:

Post a Comment